repost from the 2002 YCC citations
Rekompigurasyon ng Lipunan Alinsunod sa Pananaw ni Amanda
Ni Ariel N. Valerio
Pinaksa ng Dekada ’70 ang isa sa mga pinakamaligalig at pinakamasalimuot na yugto ng kontemporanyong lipunang Pilipino. Sa pagtatangka pa lamang na halughugin ang lalim at lawak ng naturang panahon, isang mabigat na atas na agad ang ipinatong ng pelikula sa
sarili at sa manonood nito. Sa pamamayani ng Batas Militar, maraming realidad ang siniil (suppressed), itinatwa (ignored) at binaligtad (inverted) ng estado upang panatilihin ang status quo; bagay na lubusang nagpahirap sa mga historyador upang kumpirmahin ang
makabuluhang kilos ng kasaysayan.
Mas mahirap ang naging gawain ng mga alagad ng sining sapagkat sila ang tuwirang target ng mekanismo ng kooptasyon. Ilang libro ang ipinalathala ni Marcos sa pangalan niya upang sustinihan ang propaganda ng “rebolusyon mula sa gitna”. May mga manunulat na kinabig ng estado upang magpalaganap ng “magandang balita” o ng
“bagong lipunan”. Itinatag din ang Cultural Center of the Philippines, Folk Arts Center, at ang Film Center upang umawit ng osana sa rehimen.
Sa huling bahagi ng dekada sitenta, polarisado na ang lipunan. Dalawa lamang ang pagpipilian ng artista: maging instrumento ng propaganda ng gobyerno o maging mapagpalayang tinig ng sambayanang Pilipino. Sa ganitong uri ng tunggalian, walang panggitna o nyutral na posisyon.
Isa ang nobelang Dekada ’70 sa mga likhang sining sa panahon ng Batas Militar na tuwirang tumuligsa sa diktadura ni Marcos. Ito ang pinagbatayan ng pelikulang dinirihe ni Chito Roño. Mula sa indibidwalisadong proseso ng produksyon (literatura), isinalin ang materyal sa isang mala-kolektibong proseso ng paglikha. Sa una, kontrolado ng manunulat bawat titik na gagamitin sa nobela; sa ikalawa, walang iisang pwersang maaaring magdikta ng direksyon.
Itinuturing na mala-kolektibo ang paglikha ng pelikula sapagkat kawangis ng proseso ang kolektibong pagdesisyon ng isang grupo ng mga indibidwal na nakatuon sa isang produkto. Ngunit hindi ito lubusang kolektibo dahil may de-kahong papel ang mga taong sangkot sa proseso-halimbawa, hindi maaaring pakialaman ng sinematograper ang editor-kaya wala ring nagaganap na palitan at negosasyon ng mga ideya. Sa halip, nagiging dominanteng pwersa ang prodyuser na may pangunahing interes hindi sa sining ng pelikula kundi sa kalansing ng pera sa takilya.
Kung gayon, tatlong pangunahing balakid ang agad matatagpuan sa landas ng paglikha ng pelikulang Dekada ’70: 1) paggagap sa kontekstong historikal, 2) pagsalin sa anyong pampelikula, at 3) pagtugon sa kahingian ng industriya nang hindi ikinokompromiso ang sining.
Paano humulagpos ang pelikula sa mga balakid na ito?
Paggagap sa kontekstong historikal
Mayaman sa historikal na alusyon ang pelikula. Pinagsikapan nitong isabuhay ang mga pangkalahatang katangian ng panahon-rali ng mga estudyante, pag-alis ng writ of habeas corpus, pagdeklara ng Batas Militar, pagpataw ng curfew, human rights violations, paglawak ng kilusang protesta. Tumatahi sa mga ito ang mga mumunting pangyayari
sa pang-araw-araw na buhay ng pamilya Bartolome-pamumundok ni Jules, pagsali ni Gani sa US Navy, pagkapatay kay Jason-na walang humpay ding nagpatahip sa dibdib ni Amanda at nagpatingkad sa tunggalian nila ni Julian.
Nagbukas at nagsara ang pelikula sa tila dokumentaryong film clips ng multi-sektoral na kilos-protesta laban sa diktadura ni Marcos. Isa-isang tinalunton pagkatapos ang mga insidenteng nagpamulat sa isang ordinaryong maybahay tulad ni Amanda. Mapapansing hindi hiwalay ang pagtalakay sa pangkalahatang sitwasyon ng lipunan sa partikular
na kondisyon ng pamilyang Bartolome. Maipagpapalagay, kung gayon, na
itinaguyod ng pelikula ang paradimang “ang personal ay pulitikal.”
“Ang mga kamay na nag-uugoy ng duyan ang mga kamay na nagpapaikot ng mundo,” wika ni Amanda sa simula ng pelikula. Ito ang tesis na binigyan ng kontra-tesis sa patriarkal na pananaw ni Julian. “It’s a man’s world,” mayabang na bigkas ng lalaki habang nasa hapag ang buong pamilya. “Every man must have something to die for,” uulitin niya sa ibang okasyon, “para matawag siyang lalaki.”
Nagsalimbayan ang kontradiksyon sa tatlong lunan ng lahi, uri at
sari. Walang linyar na pokus ang pagpapatampok sa mga ito. Sa halip,
dumaloy ang buong kwento sa kamalayan ni Amanda. Nagtapos ito sa
personal na rekompigurasyon ng babae sa kanyang lipunan habang
patuloy ding nagbabago ang kanyang materyal na kondisyon.
Paghulagpos sa anyo
Sa isang pormalistang suri, bagsak talaga ang Dekada ’70. Buhaghag
ang naratibo. Hindi nakatulong ang ibang eksena para patindihin ang
kasukdulan. Palipat-lipat ang punto de bista sa loob at labas ng
tahanan, kamalayan at lipunan ni Amanda.
Ngunit kung babakasin ang pelikula mula sa nobela, napakalayo ng
narating ng Dekada ’70. Mula simpleng pagsipi ng mga taludtod mula sa
The Prophet ni Kahlil Gibran, napatingkad ng pelikula ang kabuluhan
ng mga ito sa pamamagitan ng mga tauhan. Mula pagsipi ng datos sa
Ibon Facts and Figures, isinabuhay ng pelikula ang sanhi ng paglawak
ng protesta. Gayundin, mula sa mga larawang iginuhi ng mga salita ni
Lualhati Bautista sa nobela, nabuhay ang mga karakter upang patuloy
na ipagunita sa manonood ang pinakamadilim na yugto ng
kontemporanyong kasaysayang Pilipino.
Humulagpos ang pelikula mula sa nobela. Sinubukan ding humulagpos ng
pelikula sa sarili nitong genre. Sinimulan ni Lino Brocka sa
Orapronobis ang pagpasok ng documentary film clips sa pagitan ng mga
eksenang dramatiko. Itinuloy ito ni Joel Lamangan sa ilang pelikula
tulad ng Flor Contemplacion. Mas pinong bersyon ang matatagpuan sa
Dekada ’70-binuksan at isinara ang naratibo sa taas-kamao at
multi-sektoral na kilos-protesta ngunit hindi nagpatali sa
preskribtibong pormula ng mapagpalayang kilusan.
Suma total ang isang pelikulang bakubako tulad ng mga lansangan sa
kanayunan, humahampas tulad ng mga alon sa batuhan, humuhugong tulad
ng hangin kapag may sigwa.
Humulagpos ang pelikula sa anyo at nilalaman, tulad ng paghulagpos ni
Amanda sa mapaniil na lipunang patriarkal.
Pagtugon sa gusto ng takilya
Gayumpaman, hindi nagbulag-bulagan ang mga lumikha ng pelikula sa
kahingian ng industriya.
Nariyan ang mabentang tambalan nina Christopher de Leon at Vilma
Santos. Binigyan ng sapat na espasyo ang matinee idols na gumanap
bilang mga anak ng mag-asawang Bartolome. Kalakip din ang masisidhing
eksena ng personal na tunggalian upang magpaluha, magpasaya,
magpagunita at magpamulat kung kailangan.
Maliban sa paggamit ng mga elementong panghatak sa manonood-na
talamak sa industriya ng pelikulang Pilipino ngayon-sinubukan din ng
pelikulang gamitin ang mga elementong ito upang makapagbukas ng mga
bintana sa kamalayan ng madlang manonood.
Sintesis ng salimbayan
Ilang ulit nang inokupa ng iba’t ibang uri ng lipunan ang EDSA bilang
tarangkahan ng kapangyarihan ngunit hindi minsan man naglingon-likod
sa mahabang panahon ng pakikibaka mula huling hati ng dekada sisenta
hanggang unang hati ng dekada otsenta.
Sa halip, laging ibinabaon sa limot ang panahong iyon ng pagpupunyagi
upang maipundar ang isang kilusang mapagpalayang nakaugat sa
Rebolusyong 1896 at nagtataguyod sa mga mithiin ng higit na
nakararaming Pilipino.
Kamakailan, inamin ng isang mataas na opisyal ng US ang pakikialam ng
kanyang bansa sa EDSA 1986. Isang bagay na agad itinatwa ng ilan sa
mga tagapagtaguyod ng naturang rebelyon. Isang bagay namang ikinatuwa
ng anak ng dating Pangulong Marcos dahil lumabas din daw sa wakas ang
katotohanan na ang Rebelyong 1986 dinesenyo ng Amerika. Samakatwid,
hindi ito maituturing na lehitimong rebolusyon kundi isang kudeta.
Hanggat patuloy na inililibing sa puntod ng kasaysayan ang panahong
ito, patuloy na magmumulto ang mga Pilipinong itinimbuwang ng
karahasan sa gitna ng pambansang pakikibaka laban sa diktadura.
Ito ang halaga ng pelikulang Dekada ’70 na hindi kayang igpawan ng
mga kaalinsabay nito-pagbalik-tanaw sa panahong nagluwal sa mga
bayaning walang pangalan tungo sa paglaya ng bayan. Habang
nagsasawalang kibo ang maraming Pilipino sa tunay na kabuluhan ng
panahong ito, patuloy na gagamitin ng iba’t ibang pwersa ang kilusang
naipundar ng luha at dugo ng mga Pilipinong nagmahal sa sariling
bayan. Isang testimonya ang pelikula sa kamalayang hindi magagapi at
patuloy na magsasatinig sa katotohanan.
Mahalaga ring bigyang-pansin na isinagawa ang balik-tanaw sa
kamalayan ni Amanda at sa pagkilos ng kanyang mga kamay na nag-ugoy
ng duyan. Sa madaling salita, muling sinipat ang kasaysayan sa
pananaw ng babae. Ngunit sa halip na baligtarin ang katotohanan upang
mangibabaw ang kababaihan-tulad ng madalas gawin ng radikal na
feminismo-itinuring ni Amanda ang asawa bilang kahati, karugtong ng
buhay, kaisang-dibdib.
Sa multi-sektoral na pakikibaka, kapit-kamay ang lalaki at babae
gayundin ang iba’t ibang uri ng lipunan upang isakatuparan ang
rekompigurasyon ng lipunang Pilipino. Ito ang resolusyon ng
kontradiksyon. Ito rin ang siyang tutunguhin ng Pilipinas sa mga
darating na panahon.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment