repost from the 2002 YCC citations
Babasaging Daigdig sa Itlog
Ni Romulo P. Baquiran Jr.
Umaasa ang katinuan ng tao sa makataong pagtrato mula sa kapwa, lalo
na sa pinakamalapit na kaanak at kaibigan-ama, anak, at kasintahan.
Sa marupok na pag-iral ng ibat’ibang pagmamahal at paggalang, ang
pinakamatinding banta ay nagmumula rin sa mismong nagsasagawa ng mga
pagpapahalagang ito. Sa daigdig na nabuo sa Itlog, ang ugnayang
ama-anak na nakasalikop rin sa karupukan ng ugnayang tao-sa-tao ay
nabigyan ng masalimuot na pagsasapelikula.
Mumurahing sex-drama ang pagpapakete sa Itlog (sa titulo pa lang)
ngunit ang produksiyon ni Jun Posadas at Romy Vitug sa iskrip ni
Gerry Arcega-Gracio ay lumilikha ng mga signifikasyong makabuluhan
lalo pa sa ganitong genre. Sa pelikula, ginalugad ang isyu kung sino
ang makapagbibigay ng tunay na pagmamahal? Ang sariling anak o ang
sampid? At mapapalitaw sa dramatikong paraan ang pagtugon sa temang
ito, sabay ng pagtaliwas sa de-kahong karakterisasyon. Alibugha ang
tunay na anak na si Eric (Rodel Velayo), mabait na ama si Tonio
(Celso Ad. Castillo), at gustong magbagong-buhay ang ex-convict na si
Dennis (Winston Elizalde).
Sabik sa pagmamahal ng ulirang anak si Tonio kaya laking tuwa niya
nang makatagpo ang bagong laya at estrangherong si Dennis nang siya’y
atakehin sa puso minsang nagmamaneho patungo sa bayan. Iniligtas ng
estranghero ang kanyang buhay. At bilang ganti, kinuha niya itong
katulong sa itikan. Unti-unti, dahil sa kabutihang loob na nabuo sa
kanila, halos tunay na anak na ang turing ni Tonio kay Dennis.
Samantala, nagtungo sa lungsod si Eric dahil kinamumuhian ang gawain
sa itikan. Pinangarap nitong makapag-artista. Ngunit walang nangyari
sa pangarap at bumalik sa lalawigan kasama ang bagong nobyang hangad
maangkin ang yaman ng pamilya. Magiging komplikado pa ang pangyayari
dahil naakit si Dennis sa batang asawa (Diana Zubiri) ni Tonio na
nagbalak ding makuha ang kayamanan ng matanda. Sa wakas, nasira ang
lahat ng makataong ugnayan dahil sa pagkatukso sa salapi at sa tawag
ng laman
Ang daloy ng naratibo ay angkop na nailatag ng pelikula. Ang galaw ng
buhay sa itikan ay mahigpit at natural na naiugnay sa tunggalian at
karakterisasyong tinutumbok ng paksa. Naibunyag kung gayon ang mga
pagkatao ng mga protagonista sa paraang sikolohiko at
kapani-paniwala. Sa Itlog, hindi bulagsak at lantarang manipulado ang
pangyayari at tauhan para lamang maitanghal ang mahahalay na tagpo.
Hindi tulad sa ibang pelikulang sex-drama, kung saan higit na
mahalaga ang pagtatatanghal ng katawan ng mga bold star, dito’y
masasabing may balanseng naisakatuparan. Habang hindi naman lumalabas
sa genre na kinabibilangan ang Itlog, lumilikha rin ito ng mga
pakahulugan na siya namang ikinauungos nito bilang pelikula.
At hindi matatawaran ang pagganap bagama’t hindi pumapailanlang ang
mga ito sa kaganapan ng sining. Maliban na lamang kay Celso Ad.
Castillo na nailahok sa nominado. Naging kapansin-pansin ang simple
ngunit malalim niyang pagdulog sa kahingian ng papel na kanyang
ginampanan.
Patunay lamang ang pelikula sa kasabihan sa industriya na ang husay
ng alinmang produksiyon ay nagsisimula sa konsepto: sa iskrip. At ang
husay ng iskrip ay lalo lamang lilitaw kung mahusay ang produksiyon.
Sunday, December 7, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment