Sunday, December 7, 2008

Diskarte Ni Ariel N. Valerio

from the 2002 YCC citations

Diskarte Ni Ariel N. Valerio

Halimbawa ng isang well-made film ang Diskarte. Kumpleto sa
rekado-sandakot na sex, kumukulong aksyon, isang kutsarang luha,
tatlong kutsaritang romansa, isang kurot na komedi. Tinimpla at
niluto ayon sa panlasa ng Hollywood. Pinakete para sa takilya ng mga
sinehan sa Pilipinas.

Walang duda, natugunan ng Diskarte ang mga teknikal na rekisito ng
isang pelikula.

Masinop at sadya ang editing. Naikamada ang mga eksena nang walang
sinasayang na sandali sa pagpapaigting ng aksyon. Gumugol ng panahon
upang bumabad sa mga erotikong tagpo, alinsunod sa tinataya nitong
kahingian ng manonood.

Kapansin-pansin din ang bihasang paglalapat ng musika at tunog.
Bihirang gamitin ang opera sa pelikulang lokal. Subalit sa Diskarte,
ilang beses narinig ang makabasag-salaming tinig ng koloratura-habang
nagtatalik sina Jake (Rudy Fernandez) at Amanda (Ara Mina), habang
nagpapakamatay si Col. Montero (Tirso Cruz III), at habang
nakikipagpatayan si Jake sa mga kasapi ng sindikato ng droga.

Sa madaling sabi, tinangka ng Diskarte na maging mahusay na pelikula.
Ngunit malaking katanungan kung sapat na ang technical competence
upang matawag na mahusay ang isang pelikula. Kung matawag mang
mahusay, ano ang halaga nito sa manonood?

Pampalipas-oras? Libangan? Tapyas ng buhay? Repleksyon ng realidad?
Kritik ng lipunan?

Sa unang tingin, tinangka ng Diskarte na magbigay ng kritik sa
lipunang Pilipino sa pamamagitan ng pagtuligsa sa militar bilang
lunsaran ng katiwalian at, kung gayon, ng panlipunang diskurso.

Matalas ang patutsada nito kay Col. Montero bilang “hari ng droga.”
Kasabwat ang mga sindikato, ginamit niya ang mataas na posisyon sa
pulisya upang humamig ng limpak-limpak na salapi. Pero mahina pala
ang dibdib kaya nang madiskartehan ni Jake na ipahuli, ipalitis at
parusahan ng batas, nang-agaw siya ng baril at pinasabog ang sariling
bungo.

Nakapanghihinayang. Hindi si Col. Montero kundi ang nabilasang
pagtatangka tungo sa panlipunang kritik. Maaaring ipagpalagay na sa
pagkawala ni Col. Montero, malinis na muli ang militar. Ganoon lang
kasimple ang problema-may ilang indibidwal na naliligaw ng landas.

Nasa serbisyong militar din dati ang grupo ni Jake. Ipinaghiganti
niya ang asawang pinaslang ng sindikato. Nabilanggo siya at natanggal
sa serbisyo.

Kakatwang hindi nakulong o nalitis ang mga sibilyang kasapi ng
sindikato. Sa halip, kailangan silang lipulin ng mga taong tulad ni
Jake na may matinding personal na galit sa kanila. Bakit hindi sila
pinarusahan ng batas? Dahil hawak daw ng tagapagpatupad ng batas
tulad ni Col. Montero. Nang magpakamatay ang numero unong
tagapagtanggol ng sindikato, tinapos na ang kwento.

Kailangang tapusin ang kwento sa yugtong iyon dahil delikado na ang
susunod na hakbang-ilantad ang katiwalian sa militar bilang
sistematikong panlilinlang sa taumbayan. Hindi ito sinugba ng
pelikula. Sa halip, pinanatiling malinis ang institusyon ng militar
maliban sa ilang indibidwal na batik sa serbisyo. Nabigo ang Diskarte
na tuligsain ang institusyong tinutukan ng kritik nito at sa gayon,
nakabig ng dominanteng propaganda ng estado ang pelikula.

Iyon ang diskarte nila kaya pasensya na lang ang manonood kung
patuloy na mambibiktima sa lipunan ang mga galamay ng panlilinlang.

No comments: