Tuesday, March 27, 2007
Pagtagos sa Interyor ng Teritoryo ng KUBRADOR
PAGTAGOS SA INTERYOR NG TERITORYO NG KUBRADOR
Sinematograpiya at Salaysay sa Looban
Ni Romulo P. Baquiran, Jr.
Itinatanghal sa Kubrador ang interyor ng looban at mga naninirahan sa sala-salabid na espayo nito. Ang interyor ng looban ay nailalahad sa pamamagitan ng pangunahing tauhang si Amy(Gina Pareño). Siya ang sentro, ang nagpapadaloy ng iba’t ibang salaysay ng pagkubra sa ngalan ng sinasabing bawal pero namamayagpag na laro ng huweteng.
Sumusunod ang lente ng kamera sa bawat pitik at pasag ng katawan at mukha ni Pareño, pati na rin ang mga nakakasalamuha niyang masa ng potensiyal na tagataya, habang ginagaygay ang pasikot-sikot ng bituka ng pook ng mga informal settler. Dahil siya’y katutubo ng lugar—katulad ng isang langgam sa malaking punso—nakapaglalagos siya maging sa mga natatabingang espasyo ng teritoryo na hindi basta nabubunyag sa
tagalabas. Pribelihiyado at nasa kuwadro ng atensiyon ng kamera ang kadalasang mardyinalisado sektor ng lipunan. Narito ang pang-araw-araw na kolektibong
tiyan ng siksikang mamamayan na sinisipsipan ng sustansiya ng mga walang pakialam na politiko.
Sa panahon ng bitbiting kamera at maliliksing sinematograper, nagiging moda sa kontemporanyong paggawa ng pelikulang independiyente ang teknik ng cinema verite. Halos dokumentaryo ang produksiyon. Hindi matagumpay ang ibang produksiyon sa paggamit nito. May ilan na parang ikinabit lamang sa likod ng mga tauhan ang lente at bahala na kung ano ang mangyari. Nasasabi pa ng ilan na ito na ang abanggarde
sa sining ng pelikula.
Mabuti na lamang at hindi naakit na sumadlak sa ganitong tendensiya ang sinematograpiya ng Kubrador. Bagama’t gumamit ng ganitong estilo ang pelikula, sa
katotohanan, lalong naitatanghal ng sinematograpiya ang panloob na realidad ni Amy (Pareno). Sa mga krusyal na mga sandali, maging ang mga nasa isip lamang niya ay nagkakaroon ng presensiya sa iskrin at ipinapahiwatig na naninirahan pa rin sa mga
sulok-sulok at patay na dulo ng looban. Emblematiko ang espektral na paglitaw ng binatang sundalong anak ng kubrador sa maipapalagay na sapilitang paglahok ng
pamilya sa mga kontra-taong proyekto ng estado. Katuwang na mukha ng militarisasyon ang pagkunsinti at pagsasamantala ng politiko sa huweteng na napagkukunan
ng limpak-limpak na ganansiya.
Ang nostalhiya para sa namatay na anak ang isa sa mga impetus ng buhay ng kubrador. Nang mabalitaan niya ang pagkamatay ng isang binatang kaedad ng sariling anak,
naging mabilis at natural ang kaniyang pakikidalamhati. Tulad niya, sumandaling nakiramay ang lente ng kamera sa pagtatanghal ng lamay at sumuot sa interyor ng naulilang lolo (Domingo Landicho).
At kahit nasa Bulacan ang lokal ng pelikula, nagkaroon ang probinsiya ng katangian ng dusing at sikip ng looban. Tila ba ang lugar ng malawak na espasyo ay nagiging ekstensiyon ng daigdig na kinabibitagan ng Kubrador.
Kung gayon, nasa ganap na pagkagapos sa galamay ng dekadenteng sistemang panlipunan ang nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap ng kubrador. Kumunoy ng trahedya ang sitwasyon niya lalo pa’t tila wala siyang katiting na kamalayan sa kinalulubugan; kahit nagkaroon ng pagkakataon na harapang makita ang representante (Johnny Manahan) na humahamig at nagdidistribyut sa barya at salaping pinaghirapan niyang kolektahin. Pinalilitaw itong kabaitan at pagmamahal sa kapuwa kahit ang kapuwang minsan tinulungan ng kubrador na makalabas sa presinto ay naging maramot at walang pakialam sa kaniya sa mga unang eksena.
Kahima’t pinili ng mga prodyuser ang reaktibong trajektori ng salaysay at interyoridad ng isang taga-looban, nagtatagumpay ang plastik na kalidad ng
sinematograpiya at disenyong biswal na mailantad ang mga ugat at manipestasyon ng malalim na bukal ng korupsiyon sa lipunang Filipino.
(Appeared in Young Critics Circle Film Desk’s Sine-Sipat: Recasting Roles and Images-Stars, Awards and Criticism for 2006, March 2007.)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment