Monday, March 26, 2007
Paghuhunos ng Melodrama sa Inang Yaya
Paghuhunos ng Melodrama sa Inang Yaya
Leo Zafra
NAKABIGKIS sa isang ironiya ang pangunahing tunggalian ng pelikulang Inang Yaya.Kailangang arugain ni Norma (Maricel Soriano) ang anak ng iba para buhayin at itaguyod ang sariling anak, at dahil dito, nawalay at halos mapabayaan naman ang tunay na supling. Sa huli, kakailanganin niyang mamili bilang Yaya at bilang Ina sa dalawang batang kaniyang kinalinga, at nasa paglalahad ng dramatikong tensiyon at paggalugad sa mga konteksto ng bubuuing pasiya ang kabuluhan ng pelikula.
“Inang Yaya” na maituturing si Norma kay Louise, anak ng kareristang magasawa na ginampanan nina Sunshine Cruz at Zoren Legaspi. Abala ang magasawa sa trabaho at sa ibang obligasyon, kaya halos ang yaya ang tumayong ina kay Louise. Lumaki man sa layaw ang bata, makikitang mahal na mahal niya ang kaniyang yaya. Ngunit ang pagmumulan ng salimuot ng naratibo --may anak si Norma, si Ruby, na nasa probinsiya, inaalagaan ng kaniyang lola (Marita Zobel), at nangungulila sa kalinga ng ina.
Iigiting ang takbo ng kuweto sa pagpanaw ng ina ni Norma. Bunga nito, mapipilitan ang siyang bitbitin ang kaniyang anak pa-Maynila, at itira sa pinagtatrabahuhang pamilya. Bagaman kapiling na niya ang sariling anak, hindi pa rin magiging madali para kay Norma ang bagong sitwasyon. Bukod sa pagtupad sa mga responsabilidad sa pamilyang pinaglilingkuran, kailangan niyang hatiin ang sarili sa dalawang batang nag-aagawan sa kaniyang atensiyon. Masasaksihan din niya ang hirap ng paninimbang ni
Ruby kasama ng kaniyang alagang pinalaki sa luho at layaw ng mga magulang.
Pinatitingkad ang pelikula ng mga katangian ng melodrama na makikita sa ilang ipinamalas nitong kumbensiyon. Pangunahin samga katangiang ito ang pagtatampok sa katauhan ni Norma na tigib ng hirap at pighati sa araw-araw na pakikipagsapalaran sa pagtupad sa mga tungkuling iniatang ng lipunan sa babae. Bilang ina, kailangan niyang tiisin ang pangungulila sa sariling anak habang kinakalinga ang anak ng kaniyang amo. Bilang yaya, kailangan naman niyang hatiin ang hapong katawan sa samot-saring gawain ng pagiging katulong sa bahay at tagapag-alaga ng bata, at balikatin ang iba pang domestikong pasanin ng pinagsisilbihang pamilya.
Ngunit binibigo rin ng ang karaniwang ekspektasyon sa isang pelikulang melodrama. Isa na, maingat na binuo ang karakter ng mga tauhan kaya naman kumikilos sila hindi ayon sa paghuwad sa mga gasgas na karakterisasyon kundi ayon sa maingat at talinong paghimay sa iba't ibang tensiyong kinakaharap ng mga tauhan. Ang Lola (Liza Lorena) ni Louise na sa simula'y mapangutya't inaasahang maging dagdag na pasanin kay Norma
ay siya pang makatutuklas sa kalinisan ng budhi ng anak ng Yaya; ang dalawang batang tauhan, na mahusay at matalinong nagampanan ng mga batang aktres, ay nailarawang may kakayahang umarok atumunawa, mag-isip at dumama, magpasiya at kumilos tungkol sa iba't ibang hamon ng kanilang mga munting mundo, pati ng samot-saring komplikasyon ng mas malawak na realidad ngmga taong nakapaligid sa kanila.
Sa pagsapit ng kasukdulan ng naratibo, may magandang oportunidad na naghihintay sa pinasisilbihang mag-asawa sa ibang bansa, at iaalok din nila kay Norma ang pagkakataon para kumita nang mas malaki sa pangingibangbayan kasama nila. Ngunit mangangahulugan ito ng muling pagkawalay ng ina sa kaniyang anak. Kung maghahandog lamang ng idealistang pagtatapos ang ay madaling hulaan ang mga posibilidad para wakasan ang pelikula. Sasama si Norma, o isasama rin niya ang kaniyang anak sa pangingibang-bansa. Ngunit taliwas sa inaasahang masayang wakas ng anyong melodrama, yayakagin ng pelikula ang manonood sa pagninilay ni Norma, at sa bandang huli, sa paglilimi sa konteksto kung bakit magpapasiya si Norma na manatili sa sariling bayan, sa piling ng kaniyang anak.
Sa pagtatampok sa proseso ng pagpapasiya ni Norma, naipamamalas kung paanong ang melodrama ay nagagamit sa paglalarawan ng damdamin, ligalig,at iba pang aspektong personal, at kung paanong sa pagsasadula ng mga dinaranas na mga agam-agam at pighati ay mapatingkad ang pakikibaka ng mga tauhan samga institusyon at estrukturang panlipunan.
Hindi lamang ang paluhain ang manonood ang pakay ng pelikulang
kung gayon. Nagpapahiwatig din ito ng bagong kabatiran tungkol sa
pagkatao at lipunan, at ng posibilidad sa paghuhunos ng anyo ng melodrama
ng sineng Filipino.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment