Saturday, November 5, 2011
Ang Dalumat ng Kakayahan sa Pelikulang “Himpapawid” ni Raymond Red
Pamilyar na sa mga manonood kung paano karaniwang tinatalakay ang isyu ng kahirapan sa mga pelikula. Sa pamamagitan ng mga imahen ng gutom, pagtaas ng populasyon, polusyon sa kapaligiran, sakit, kawalan ng hanapbuhay, at iba pang mga larawan ng lunggati, binigyang-katuturan ng ilang mga pelikula ang kahulugan ng dahop na pamumuhay. Ang mga imaheng ito rin naman ang madalas sambitin ng ilang mga klasikal na teorista hinggil sa usapin ng kahirapan at kaunlaran. Binigyang-puna ni Dr. Firoze Manji, isang aktibista mula sa Kenya at visiting fellow sa Oxford University, ang mga klasikal na ideya sa ekonomiks, tulad ng sumusunod: “Ang pinakamahalagang tungkulin ng mga polisiya sa ekonomiya ay protektahan ang karapatan ng minoridad na makapangalap ng pinakamataas na halaga ng kita, at sa pamamagitan nito ay may posibilidad para sa pag-unlad ng nasabing minoridad.” (akin ang salin, sinipi mula sa http://socialtheoryblog.files.wordpress.com/2010/04/developmentasfreedom-by-manji.pdf. Accessed on 1 October 2011.) Isa umano ang nabanggit na sipi sa mga nakagawiang kumbensyon na ginagamit na salalayan sa pag-unawa ng mga konsepto hinggil sa pag-unlad, partikular, ang hindi pagtaas ng kita, o kawalan ng kabuhayan, bilang sanhi ng kahirapan.
May tesis ang ekonomistang si Amartya Sen hinggil sa kahulugan at sanhi ng kahirapan gamit ang ilang kaso at karanasan ng mga bansang nasa Ikatlong Daigdig. Sa kaniyang aklat na Development as Freedom (Sen, 1999), nilinaw pa ni Sen ang kabuluhan ng kaunlaran, na iniankla niya sa teorya ng kakayahan (capability theory). Ang depinisyon ng kahirapan, para kay Sen, ay ang kawalan ng kalayaang isangkot ang sarili sa lipunan, at kawalan ng kakayahang matamasa ang mga sumusunod: politikal na kalayaan, akses sa mga ekonomikong pasilidad, panlipunang oportunidad, protektibong seguridad.
Sa tesis na ito, palagay ko, uminog ang diskurso ng pelikulang “Himpapawid” ni Raymond Red hinggil sa pigil na partisipasyon at pagkatiwalag sa lipunan ng mga tauhan, bilang mga salik na tagapagpaandar ng kahirapan. Sa pelikula, lumampas pa sa mga nakasanayang imahen ng paghihikahos ang ginawa ng direktor upang makapaghulma at maitanghal ang kaibuturan ng isyu. Ang kahirapan, sang-ayon sa mga pinagdaanan ng pangunahing karakter na si Raul (Raul Arellano), ay kasingkahulugan ng pagiging talunan, ng kawalan ng akses sa anumang oportunidad, at ng hungkag na pakikisangkot sa anumang larangan. At ang patuloy na pagkonsumo nito sa indibidwal ay humantong sa destruksyon ng katinuan ng sarili. Mahalaga ang pelikula dahil sa mabisa nitong artikulasyon hinggil sa kawalan ng makabuluhang ambag sa lipunan bilang isa sa mga pangunahing tagapagtakda ng karalitaan.
Ang kulminasyon ng pelikula ay isang eksena ng hijacking sa eroplano. Ito ang nagluklok sa karakter sa pisikal na tugatog na katumbas din ng pagkabuwal nito sa katapusan ng pelikula. Idinetalye sa eksena ang desperasyon ng hijacker na si Raul (Raul Arellano), ang terorismo, na tinugunan ng matinding takot ng mga pasaherong nasangkot sa kriminal na akto, hanggang sa engrandeng pamamaalam ng hijacker na nagtanghal ng kaniyang kasawian. Bagaman batbat ng rubdob at tensyon ang bahaging ito, ang kapangyarihan ng pelikula ay higit na makakapa sa mga naunang inilatag na pangyayari sa buhay ng hijacker.
Malinaw na sa unang bahagi pa lamang ng pelikula, hindi paghingi ng dagdag na suweldo, o promosyon sa trabaho, ang pakiusap ni Raul sa kaniyang superbisor. Gusto niyang makauwi sa probinsya upang bisitahin ang amang maysakit, kasama na rin ang intensyong magpasa ng aplikasyon para makapaghanapbuhay sa ibang bansa. Ani ng superbisor, hindi nila pinapayagan ang day-off, at wala nang daratnang trabaho si Raul pagbalik nito. Alinsunod sa paradigma ng teorya ng kakayahan, naghain ng kataliwas na pamantayan ang karanasan ng tauhang si Raul. Nilumpo siya ng sunud-sunod na mga limitado, o higit, kawalan ng opsiyon at kalayaang kumilos at mapakinggan—mula sa mga balikong karanasan sa pagpapakopya ng dokumento, pagkaunsyami ng pagsumite sa aplikasyon, kapalpakan bilang tagabantay dapat sa ilegal na operasyon kasama ang mga kaibigan, at sa kalahatan, pangingibabaw ng mga bigong taktika.
Ang linsad na kapalaran ni Raul ay pinatingkad pa ng indibidwal na naratibo ng mga kasamang tauhan sa pelikula. Mabisa ang pagkatugaygay sa karanasan ng mga karakter na may kani-kaniya ring kuwento ng nakalundong kalagayan. Itinawid ng mga tauhang ginampanan nina Soliman Cruz, John Arcilla, Raul Morit, at Karlo Altomonte ang pagiging biktima ng pekeng recruiter at pagkalubog sa utang, ang pagkakasya sa maliit na kita bilang taxi driver, at ang uri ng buhay na tanging sa inuman lamang maaaring makapagsiwalat ng mga tanong at himutok. Ang malinis na editing ang nagsilbing aparato para sa pagtalakay ng baliktanaw ng mga dehadong nagsasalaysay (Soliman Cruz at John Arcilla) habang kinukumbinsi nila na walang tatamasahing anumang pag-asa si Raul sa kaniyang mga tangkang pagsisikap. Sa mga tauhang ito rin umangkas ang pesimistikong panukalang nagdiin hinggil sa direksyong pupuntahan ng kuwento ni Raul, at ng kuwento nilang lahat.
Binalangkas din sa pelikula ang gradasyon ng mental at emosyonal na kalagayan ng pangunahing tauhan, na rurok ng karahasan at karalitaang nakalukob dito. Nagsimula ito sa pag-uulol ng pakiramdam (sa mga pabugso-bugso at taas-babang temperamento ni Raul), na humantong sa poot at desperasyon, gayundin, ginatungan at itinulak ng sinambit ng ilang tauhan: “Lahat ng tao dito sa Pilipinas ay nag-uunahan,”(mula sa tauhang ginampanan ni John Arcilla), “Tingnan niyo kung gaano kahirap makiusap?” (mula sa tauhang ginampanan ni Raul Arellano) at “Wasak!” (mula sa tauhang ginampanan ni Lav Diaz). Magtataka ba ang manonood kung bakit nag-amok si Raul, halimbawa, dahil lamang sa simpleng pagpapa-xerox ng mga dokumento? Sa mga tauhang sangkot sa eksena, oo, may sayad sa utak ang tingin nila kay Raul. Subalit sa mga manonood, ang resulta ng eleganteng paraan ng pagsasalaysay ay ang pag-unawa sa lohika ng unti-unting pagtakas ng bait ng tauhan. Nagsanib din sa paningin ni Raul ang tatlong tauhang babae, na may iisang anyo, senyal din ng demensiya ng karakter. Magkakaugnay, bagaman may malinaw na distinksyon, ang bukod-tanging pagtatanghal ni Marissa Sue Prado bilang prostitute, klerk, at flight attendant, at bilang obheto ng halu-halong pagnanasa, kahinaan, at kasawian ni Raul sa pelikula.
Sa unang pagkakataon sa pelikula, saka lamang tila naisangkot si Raul sa iba pang indibidwal bukod sa mga kainuman, at saka lamang siya “pinakinggan,” nang hawak na niya ang atensyon ng mga pasahero sa eroplano dahil sa kaniyang pagbabantang pasabugin ito. Tila nangangako ang eksena, at ang posisyong kaniyang kinalagyan, na sa unang pagkakataon ay mukhang naglarawan ng pag-iral ng kaniyang kontrol at kakayahan—posibleng makakolekta ng pera si Raul at mailapag nga siya ng eroplano sa hiningi niyang destinasyon, at sa wakas, mabisita na ang amang maysakit. Katulad ng mga kuwento sa mga balita tungkol sa pag-akyat at pahiwatig ng pagtalon mula sa matataas na gusali at billboard ng Maynila, sa mga pagbabanta na lamang nakakukuha ng lunan para makapagsalita at bakasakaling mapakinggan ang mga tulad ni Raul, na dahil sa pagkakalugmok ay, ayon nga kay Sen, “can make a person a helpless prey in the violations of other kinds of freedoms.” (Sen, 1999, 8)
Ang punto ng teorya ng kakayahan ay paglaan ng mga pangako at posibilidad, ng pagtalunton sa potensyal ng tao sa pag-unlad ng sarili at pagbahagi nito sa lipunan, at pagpapalawak ng kaniyang mga opsiyon upang maiangat, sa isang multi-dimensyonal na antas, ang kaniyang kalidad ng buhay. Sa pelikula, madalas ianggulo ang kamera at perspektiba (maaaring ng tauhan o manonood) sa himpapawid, at naroon ang ilusyon ng tangkang pagsibad na paitaas ang direksyon. Subalit ang katotohanang taglay na kasalukuyan ding nakabalabal sa lipunan, at matagumpay na ipinabatid batay sa konteksto at kalagayan ng iba’t ibang tauhan, institusyon, at sosyo-kultural na praktis sa pelikula, ay lihis sa anumang akto ng pagpailanlang. Hindi aliwalas, hindi rin luwang, ang sinasambit ng mga imahen ng kalangitan, bagkus, restriksyon at walang humpay na pagtatakda ng mga hangganan.
Jema M. Pamintuan obtained her Ph.D. in Philippine Studies from the University of the Philippines, Diliman. She is currently teaching at the School of Humanities, Ateneo de Manila University. Her essay, “Risk Management, Probability, and the Theory of Games in Segurista (Dead Sure) and Kubrador (The Bet Collector)” appeared in the Fall 2011 issue of Positions East Asia Critique, published by Duke University Press.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment