Sunday, July 17, 2011

Review sa pelikulang “Senior Year” ni Jema Pamintuan




Review sa pelikulang “Senior Year” (Jerrold Tarog, 2010)

Buong ingat na hinalungkat at itinanghal ng direktor na si Jerrold Tarog ang mga alaala ng kolektibong karanasan ng mga estudyante ng ikaapat na taon sa high school, sa kaniyang pelikulang “Senior Year” (2010). Ang mga huntahan sa mga pasilyo, kuwentuhan tungkol sa buhay pag-ibig ng kanilang guro, panloloko ng kapwa kamag-aral sa comfort rooms, mga eksena ng biruan at tsismisan sa cafeteria, pag-eensayo para sa sayaw, obsesyon sa pagkapanalo sa intrams, antisipasyon sa resulta ng college entrance exams, at sa pangkalahatan, ang mga agam-agam ng yugtong ito ng kabataan, ay mahusay na hinabi ng maingat na direksyon ni Tarog.

Tinahi ng akto ng pagbabaliktanaw ni Henry Dalmacio (RJ Ledesma) ang kuwento ng kaniyang batch (senior batch 2010) sa high school. Naghahanap siya ng dahilan upang tumayo at lumabas na mula sa kaniyang sasakyan, at makisalamuha sa mga dating kamag-aral, para sa kanilang high school reunion. Sapagkat ilang taon makalipas ang kanilang high school graduation, hindi na nakiugnay pa si Henry sa mga kamag-aral. Aminado siyang hindi na niya lubusan pang nakikilala ang mga ito, o may mga sama ng loob at lamat sa mga ugnayan, na hindi na nakuhang bigyan pa ng artikulasyon, at resolusyon, hanggang pagkatapos ng kanilang graduation. Sa mga gunitang ito nakipagbunuan ang karakter ni Henry, na nagtawid sa mga pangyayari at magkakalingkis na buhay ng mga mag-aaral sa pelikula.

Kahanga-hanga kung paano ginawan ng pagbubukod-tangi ang bawat tauhan sa pelikula, nang hindi ito lubusang nauwi lamang sa mga istiryotipo, o representasyon ng mga istiryotipo. Higit pa sa nakakahong imahen ng popular na campus heartthrob ang tulad ng mga tauhan nina Bridget, Solenn, at Briggs, o komikerong bading tulad ni Carlo, o “ugly duckling turned beautiful swan” tulad ni Sofia, “batch bully” tulad ni Ian, at iba pang pamilyar na mga karakter ng high school. Masinsin ang ginawang pag-usisa sa mga tauhan, at pagsiwalat sa lahat ng detalye ng kaselanan ng mga ito. Maselan, pagkat nakapanlulupaypay naman talagang harapin at aminin ang mga palpak na diskarte at mga inakalang grandiosong plano (para sa sarili man, kapwa mag-aaral, o buong batch) pero hindi naman pala mapaninindigan. Ang mga inisip, ginawa, at inisip nating gawin noong high school, yaong mga gusto na lamang nating ilihim, pagkat kahiya-hiya, yaong mga ipinapalagay na nakatago na lamang dapat sa ating gunita at mga personal na journal, ay sensitibo ang pagkakabitbit at pagkakalatag sa mga manonood, na parang mga bagay na babasagin.

Nakatas din mula sa pelikula ang pamamangka sa pagitan ng mabibilis at maiikling eksena at masigla at orihinal na soundtrack, at tunay na masasapantaha ang high school bilang, ayon nga sa isang pahayag ng kritikong si Rabelais, “a maniacal scrapbook filled with colorful entries.” Mabisa ang paraan ng pagkakaedit sa mga eksena para umangkop sa kaligiran at temperamento ng high school---na pabugso-bugso, minsan pa-ekis, maraming kurba at paliko-liko at taas-baba—samantalang hindi nasakripisyo ang laman at linaw ng naratibo. Mainam na pinalaya ng pelikula ang sarili sa tradisyon ng mga palabas na halaw sa kulturang “teeny bopper” ng Hollywood, at nalampasan ang kombensiyonal na paglalahad sa mga karanasan ng mga bata sa paaralan. Sariwa at kaaya-aya ang pagiging natural ng pelikula, mula sa pagtatanghal ng mga artista, pagsambit sa mga diyalogo at gamit ng wika, at palitan ng kuro-kuro sa klase. Ibang-iba sa mga nakapapagod nang palabas sa telebisyon at ilang pelikula na batbat ng artipisyalidad, na ang layunin ay itanghal lamang ang pisikal na anyo ng mga artista nito.

Dumistansya ang pelikula sa tonong nangangaral, lalo na sa pagtalakay ng mga isyu hinggil sa uri at sexualidad, mga domestikong suliranin, at pagharap sa mga dilema ng realidad ng pagtanda. At ang birtud ng pelikula ay naging lunsaran ang magaan na teknik ng pagsasalaysay nito para sa mga nabanggit na paksa. Hindi lamang mga tagiyawat at maling postura ang simbolo ng mga angst ng teenager; sa mga tiim-bagang at buntong-hininga ng kabiguan ng mga kabataang karakter nagtunggali at nagsanib ang kani-kanilang kubling kamalayan.

Sa paggawa ni Henry ng valedictory speech noong high school ay naitanong niya sa sarili kung may kakayahan ba silang punan ang mga pagkukulang ng nakaraang henerasyon, sa pamamagitan ng pagsisikap ng kaniyang henerasyon. Lumulukob pa rin sa kaniya, kahit paano, ang bilin ng dating guro, na minsang naghimaton sa klase nito hinggil sa pangangailangan ng mga mag-aaral na isangkot ang sarili para sa pagbabago ng lipunan. Sa paglabas niya mula sa kaniyang sasakyan, at sa pagharap sa dating kamag-aral, naipamalas sa eksena ang kabatirang kayhirap pa ring makapa ng indibidwalidad, na alam nating labag sa ating loob ang magpanggap, ngunit laging may pangangailangan para rito. Ikinukubli ang sariling hindi naman pala malaki ang ipinagbago, nakatali pa rin sa mga nakamihasnang salimuot ng pandama, at nangangambang sa kabila ng lahat ng pagdanas, kimkim pa rin ang mga alinlangan ng hindi mabitiw-bitiwang kamusmusan.

1 comment:

Anonymous said...

Come to see us at the moment to grasp more facts and facts anyway Drop in on us at times to obtain more facts and facts regarding [url=http://www.polandlimoservice.com]transport osób warszawa[/url]