Pagpasok sa lupalop ng limot at binahang komunidad
ni Romulo P. Baquiran, Jr.
Ang paglikaw-sipat ng kamera sa nilikha/aktuwal na lugar ng Paraiso/Navotas ay pagsipat din sa buhay ng mga tauhang inilalantad ng naratibo. Pugad ng kahirapan ang tabing-dagat na komunidad na lalo pang pinalubha ng pagsakop ng tubig sa kinasanayang teritoryong tinatapakan ng tao. Nagsisikap mabuhay sa lubog na lugar ang mga tauhan, pangunahin ang tatlong mag-ina at ang mga lalaking naugnay sa kanila.
Tila siruhanong inilalantad ng sinematograpiya ang realidad ng kanilang kondisyon; walang kurap na tinitistis nito ang gangrenosong mga ugat at laman ng kanilang personal at panlipunang ugnayan. Malinaw ang alusyon sa naunang Insiang, hindi lamang sa balangkas ng kuwento kundi pati sa sityo ng pagdurusang panlipunan. Dito sa Paraiso, tumindi pa ang kalagayan ng kadahupan dahil sa paglukob ng likidong malapot at maitim sa batayang pamumuhay ng lahat. Lumulutang at lumulubog sila sa tubig na walang maaasahang malinaw na rabaw at malinis na kailaliman. Ang pagsisikap ng mga protagonistang makaahon o maglublob sa literal at abstraktong likidong impiyerno ay dramatikong naitanghal sa mala-sosyorealistang estilo.
Sa pelikula, ang produksiyon ng espasyo ay sabay na naglalarawan ng milieu at sikolohikong kondisyon. At transgresibo ang proyektong ito sa loob ng namamayaning pagbalorisa ng pangkorporasyong layunin ng industriya ng pelikunang Filipino sa mga romansang burges na sadyang nagsasalaylayan sa mga malawakang panlipunang realidad. Makikita agad ito sa mismong pagtuon ng Paraiso sa natatanging representasyon ng isang limot na komunidad.
At literal na “lumubog” ang sinematograpiya sa materyal na nais maitanghal ng pelikula. Hinuhuli ng mata ng kamera ang ritmo ng buhay-buhay sa looban. May mga eksenang nagpapakita ng herarkikal at nahahati-sa-uring kondisyon ng lipunan hindi sa lantad at didaktikong paraan kundi sa tila-simpleng presentasyong biswal lamang. Halimbawa ang kuha ng pagkukuwentuhan ng barkada sa isang gilid ng maruming ilog. Nasa unang antas ng kuwadro ang mga mukha at katawan ng mga kalalakihang taga-looban; nasa ikalawang antas naman ang kaligiran ng malawak pero basurahang ilog; sumunod ang tulay, at sa kabila ng tulay ang maunlad na siyudad. Ang neutral na kalikasan ay nagkakaroon ng dimensiyong pangkultura at pampolitika sa gitna ng kaayusang likha ng tao na nagsusulong ng paggamit ng kapangyarihan para sa opresyon ng kapuwa. Ang dating malinis na ilog na minarkahan ng dumi ng kaunlaran ang hidwang pang-espasyo sa literal at simbolikong antas na kailangang tawirin ng mga nasa laylayan ng lipunan upang marating ang siyudad ng tao. Kahit mayroong tulay na magagamit, hindi ito nagsisilbing pandugtong na panlipunan kundi isa pang uri ng demarkasyon ng may kapangyarihan at ng nagbibili lamang ng kanilang lakas-paggawa. Malayo at halos wala sa kuwadro ng realidad ng huli ang siyudad na katatagpuan ng modernong kaluwagan sa buhay.
Kasama ang anggulo ng kamera sa pagbubunyag ng ontolohiya ng lugar. Madalas na ang puwesto nito ay halos nasa ibabaw lamang ng tubig, at tinatanaw ang primal na tagpuan ng aksiyon—ang tahanan ng mag-iina na isa lamang sa mahabang hilera ng mga bahay ng naghihikahos. Madalas ring tulad ito ng ibong lumilipad para malapitang tingnan ang mga lihim sa kabila ng mga dingding at silid. Ang hidwaan ng mag-iina sanhi ng paninirahan ng bagong asawa ng ina ay naitanghal ng kamerang sumisilip sa kisame.
Ang pagsasaayos ng espasyo-panahon sa takbo ng naratibo ay mainam na naisasagawa lalo na sa maiigting na eksena. Nabanggit na ng kasamang Lauzon ang magkaagapay na tagpo ng pakikipagtalik ng tauhang ginagampanan ni Renee Summer sa pulis (Roldan Aquino) para makaganti at ng pagsalvage sa lalaki (John Regala) na dahilan ng pagdurusa nilang mag-iina.
Marungis ang disenyong biswal sa pelikula dulot na rin ng kahingian ng materyal. Malikhaing natimpla ito ng produksiyon at nalikha ang Paraiso na bagama’t may malaking kahinaan sa pagbuo ng makatwirang delineasyon ng katauhan ng babae, ay nakapaglatag pa rin ng obrang sumasalungat sa higit na palsong pananaw-sa-daigdig ng burges na pelikulang namamayagpag sa mga mall ng ating panahon.
(Appeared in Young Critics Circle Film Desk’s Sine-Sipat: Recasting Roles and Images-Stars, Awards and Criticism for 2005, March 2006)
Wednesday, March 1, 2006
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment