Sunday, July 17, 2011

Review sa pelikulang “Senior Year” ni Jema Pamintuan




Review sa pelikulang “Senior Year” (Jerrold Tarog, 2010)

Buong ingat na hinalungkat at itinanghal ng direktor na si Jerrold Tarog ang mga alaala ng kolektibong karanasan ng mga estudyante ng ikaapat na taon sa high school, sa kaniyang pelikulang “Senior Year” (2010). Ang mga huntahan sa mga pasilyo, kuwentuhan tungkol sa buhay pag-ibig ng kanilang guro, panloloko ng kapwa kamag-aral sa comfort rooms, mga eksena ng biruan at tsismisan sa cafeteria, pag-eensayo para sa sayaw, obsesyon sa pagkapanalo sa intrams, antisipasyon sa resulta ng college entrance exams, at sa pangkalahatan, ang mga agam-agam ng yugtong ito ng kabataan, ay mahusay na hinabi ng maingat na direksyon ni Tarog.

Tinahi ng akto ng pagbabaliktanaw ni Henry Dalmacio (RJ Ledesma) ang kuwento ng kaniyang batch (senior batch 2010) sa high school. Naghahanap siya ng dahilan upang tumayo at lumabas na mula sa kaniyang sasakyan, at makisalamuha sa mga dating kamag-aral, para sa kanilang high school reunion. Sapagkat ilang taon makalipas ang kanilang high school graduation, hindi na nakiugnay pa si Henry sa mga kamag-aral. Aminado siyang hindi na niya lubusan pang nakikilala ang mga ito, o may mga sama ng loob at lamat sa mga ugnayan, na hindi na nakuhang bigyan pa ng artikulasyon, at resolusyon, hanggang pagkatapos ng kanilang graduation. Sa mga gunitang ito nakipagbunuan ang karakter ni Henry, na nagtawid sa mga pangyayari at magkakalingkis na buhay ng mga mag-aaral sa pelikula.

Kahanga-hanga kung paano ginawan ng pagbubukod-tangi ang bawat tauhan sa pelikula, nang hindi ito lubusang nauwi lamang sa mga istiryotipo, o representasyon ng mga istiryotipo. Higit pa sa nakakahong imahen ng popular na campus heartthrob ang tulad ng mga tauhan nina Bridget, Solenn, at Briggs, o komikerong bading tulad ni Carlo, o “ugly duckling turned beautiful swan” tulad ni Sofia, “batch bully” tulad ni Ian, at iba pang pamilyar na mga karakter ng high school. Masinsin ang ginawang pag-usisa sa mga tauhan, at pagsiwalat sa lahat ng detalye ng kaselanan ng mga ito. Maselan, pagkat nakapanlulupaypay naman talagang harapin at aminin ang mga palpak na diskarte at mga inakalang grandiosong plano (para sa sarili man, kapwa mag-aaral, o buong batch) pero hindi naman pala mapaninindigan. Ang mga inisip, ginawa, at inisip nating gawin noong high school, yaong mga gusto na lamang nating ilihim, pagkat kahiya-hiya, yaong mga ipinapalagay na nakatago na lamang dapat sa ating gunita at mga personal na journal, ay sensitibo ang pagkakabitbit at pagkakalatag sa mga manonood, na parang mga bagay na babasagin.

Nakatas din mula sa pelikula ang pamamangka sa pagitan ng mabibilis at maiikling eksena at masigla at orihinal na soundtrack, at tunay na masasapantaha ang high school bilang, ayon nga sa isang pahayag ng kritikong si Rabelais, “a maniacal scrapbook filled with colorful entries.” Mabisa ang paraan ng pagkakaedit sa mga eksena para umangkop sa kaligiran at temperamento ng high school---na pabugso-bugso, minsan pa-ekis, maraming kurba at paliko-liko at taas-baba—samantalang hindi nasakripisyo ang laman at linaw ng naratibo. Mainam na pinalaya ng pelikula ang sarili sa tradisyon ng mga palabas na halaw sa kulturang “teeny bopper” ng Hollywood, at nalampasan ang kombensiyonal na paglalahad sa mga karanasan ng mga bata sa paaralan. Sariwa at kaaya-aya ang pagiging natural ng pelikula, mula sa pagtatanghal ng mga artista, pagsambit sa mga diyalogo at gamit ng wika, at palitan ng kuro-kuro sa klase. Ibang-iba sa mga nakapapagod nang palabas sa telebisyon at ilang pelikula na batbat ng artipisyalidad, na ang layunin ay itanghal lamang ang pisikal na anyo ng mga artista nito.

Dumistansya ang pelikula sa tonong nangangaral, lalo na sa pagtalakay ng mga isyu hinggil sa uri at sexualidad, mga domestikong suliranin, at pagharap sa mga dilema ng realidad ng pagtanda. At ang birtud ng pelikula ay naging lunsaran ang magaan na teknik ng pagsasalaysay nito para sa mga nabanggit na paksa. Hindi lamang mga tagiyawat at maling postura ang simbolo ng mga angst ng teenager; sa mga tiim-bagang at buntong-hininga ng kabiguan ng mga kabataang karakter nagtunggali at nagsanib ang kani-kanilang kubling kamalayan.

Sa paggawa ni Henry ng valedictory speech noong high school ay naitanong niya sa sarili kung may kakayahan ba silang punan ang mga pagkukulang ng nakaraang henerasyon, sa pamamagitan ng pagsisikap ng kaniyang henerasyon. Lumulukob pa rin sa kaniya, kahit paano, ang bilin ng dating guro, na minsang naghimaton sa klase nito hinggil sa pangangailangan ng mga mag-aaral na isangkot ang sarili para sa pagbabago ng lipunan. Sa paglabas niya mula sa kaniyang sasakyan, at sa pagharap sa dating kamag-aral, naipamalas sa eksena ang kabatirang kayhirap pa ring makapa ng indibidwalidad, na alam nating labag sa ating loob ang magpanggap, ngunit laging may pangangailangan para rito. Ikinukubli ang sariling hindi naman pala malaki ang ipinagbago, nakatali pa rin sa mga nakamihasnang salimuot ng pandama, at nangangambang sa kabila ng lahat ng pagdanas, kimkim pa rin ang mga alinlangan ng hindi mabitiw-bitiwang kamusmusan.

Monday, July 4, 2011

CRITIC OF THE MONTH: In the Name of Love


In the Name of Love: Mga Komplikasyon sa Pelikulang Kilig ng Star Cinema

YCC Critic of the Month (JULY) JOEY BAQUIRAN reviews three films from Star Cinema


Forever and a Day

Starring: KC Concepcion and Sam Milby

Writers: Art Marcum, Matt Holloway, Mark Fergus, Hawk Ostby

Director: Cathy Garcia-Molina



Babe, I Love You

Starring: Anne Curtis and Sam Milby

Writers: Margarette Labrador, King Palisoc

Director: Mae Zcarina Cruz



In The Name of Love

Starring: Aga Muhlach, Angel Locsin and Jake Cuenca

Writer: Enrico Santos

Director: Olivia Lamasan


Malakas na puwersa naman talaga ang pag-ibig. Nailalagay ang mangingibig sa nakakakilig at kung minsan komplikadong sitwasyon na malamang na hindi magagawa ng taong hindi umiibig. Sa romance mode ng mga kuwento sa Filipinas, walang kamatayang puhunan ang temang ito. Sabi nga, hahamakin ang lahat masunod ka lamang. Kumita na ito sa totoo lang pero patuloy pa ring pinagkakakitaan.

Sa mga kapapalabas lamang na mga pelikula ng ng ABS-CBN and Star Cinema Entertainmnent Pictures tulad ng “Forever and a Day,” “Babe, I Love You,” at “In The Name of Love” patuloy ang tradisyong ito ng pag-ibig na kilig at pag-ibig na komplikado. Kung maglalatag ng ispektrum ng tatlong ito: puro kilig ang una, may halong kilig at komplikasyon ang ikalawa, at may kaunting kilig habang maraming komplikasyon ang ikatlo.

Sa “Forever and a Day,” parehong may tinatakasan sina Miko (Sam Milby) at Raffy (KC Concepcion) sa Maynila. Nagkataon na sabay silang biglang nagbakasyon grande sa Cagayan de Oro at doon nagkainteres sa isa’t isa habang nag -eenjoy ng zipline, white river boating, at buggy racing. Nagmukha tuloy travel and living channel ang unang hati ng pelikula. May kasamang mga supporting friends na walang papel kundi tuksuhin at itulak sa ligawan ang dalawa. Sa dulo, mawawala ang pagiging matatakutin ni Raffy at magiging mas mabait naman si Miko sa kaniyang running shoes staff. Pero heto ang peak ng formula: may kanser pala si Raffy at naghihintay na lang ng kamatayan. Lalo lamang maiinlove si Miko dahil nadiskubre niya ang sobrang kabaitan at pagiging mapagmahal ni Raffy sa kapuwa cancer patient. Kung kilig ang pag-uusapan, umani ng sandamakmak nito mula sa mga fan ng mga bidang Sam Milby at KC Concepcion. End of story.

Mas komplikado ang plot ng “Babe, I Love You.” Mas nakakaaliw ang pangungulit ni Sasa Sanchez (Anne Curtis) kay Prop. Nico Borromeo (Sam Milby). May gaspang ang mga detalye na mas nakakaakit panoorin. Pati ang mga tagasuporta ay may mga makatotohanang eksenang napakakaswal, tulad ng mga harutan, pero nagpapakita ng mga relasyong malalim ang pinaghuhugutan. Sa yugtong hinog na hinog na ang anggulo ng pagmamahalan nina Nico at Sasa saka papasok ang mapait na bahagi ng kaniyang pagiging promo girl. Hindi siya inosente tulad ng superpisyal na naitanghal sa maraming eksena kundi pumapatol din sa kliyente. Sa madaling sabi, pumayag na maging kerida kundi man bayarang babae. Ito na ang peak ng pagiging pormula ng istorya pero dahil sa performans ng mga artistang parte ng pagiging glossy ng produksiyon, tumatakbo ang plot. Siyempre magugulat sa umpisa ang nobyo pero sa bandang huli, matatapos na happy ang pelikula. Peace time pa kumita ang ganitong istorya pero malakas ang tradisyon at kahit bagong milenyum na, patuloy ang kilig at pagsindi ng kleig sa ganitong mga eksena.

Pinakamalapot sa maraming aspekto ang “In The Name of Love.” Habang tila iniiwasan ng naunang dalawang pelikula ang kontemporanyong global at politikal na konteksto at gusto lamang manatili sa bakuran ng romance, ang kuwento nina Emman Toledo/Garry Fernandez (Aga Muhlach) at Mercedes Fernandez (Angel Locsin) bilang mga japayuki ang mismong humatak sa kanila patungo sa kapahamakan. Nanghihiram ng inspirasyon mula sa mga diyaryo, sa madaling sabi, mula sa realidad ang kanilang buhay bilang mga protagonista. Susuungin ni Emman ang money laundering dahil ayaw niyang mapahamak si Mercedes pero matitiklo sa airport at makukulong nang pitong taon. Nang makalaya, magbabagong buhay sana siya pero hindi inaasahang makakasalamuha muli si Mercedes na naging nobya ng isang anak ng maimpluwensiyang dinastiyang politikal sa isang probinsiya. May alusyon sa mga pelikulang politikal ng mga naunang dekada ang iskrinpley ni Enrico Santos, lalo na sa mga obra ni Brocka at Lamangan. Pinakakapal pa ito ng dagdag na alusyon sa level ng disenyong biswal at detalye ng karakterisasyon. Sa isang shot, makikitang may mga alagang eksotikong hayop ang gobernador, at hindi na kailangang banggitin na mayroong ganitong karakter sa lokal na politika. Ang asawa ng gobernador na si Chloe Evelino (Carmi Martin) ay imahen ng tila masaya pero nagtitiis na asawa ng patriyarko. Nang masaksihan ang away ng anak at ni Mercedes, nabuhay ang pait ng hindi nakamit na tunay na pag-ibig kaya nang magkaroon ng pagkakataon, pinayuhan ang babae na tumakas na bago matulad sa masaklap niyang sitwasyon. Bumubuo ng interesanteng triyanggulasyon sina Dylan Evelino (Jake Cuenca), Garry, at Mercedes sa maraming level: personal, sexual, sining, at politika. Ang gahum ng dinastiyang politikal ng pamilyang Evelino ay sumusuot kahit sa mismong kondisyon ng maagang paglaya ni Garry. Nabigyan siya ng parole dahil sa koneksiyon ng pamilya ng gobernador kapalit ng sexual na pabor ni Mercedes at pagiging fiancee nito kay Dylan.

Hindi makawala sa trawma ng nakaraan ang dalawang ex-japayuki lalo na sa kanilang muling pagkikita. Tagabuhat na ng isda sa palengke si Garry pero nang mangailangan ng mga dance instructor ang opisina ng gobernador, nag-audition at nagperform siya sa harap ni Mercedes at mga amiga. Ito ang umpisa ng muling pagkakalapit ng dalawa at pagtatanggal sa buhol ng nakaraan. Lilitaw na patuloy na nagmahal at hindi lumimot si Mercedes. Pero hindi na siya malaya. Kailangan nilang muling sumayaw sa panganib. At siyempre nga dahil nakumpirma ang kanilang pagmamahalan, gagawin ang lahat para muling magsama.

Sa kalahatan, dramatikong naitatanghal ang mga posibilidad ng sitwasyongng inilatag. Hindi linear ang estilo ng produksiyon at epektibong nagagamit ang mga flashback at iba pang pamamaraang sinematiko. Halimbawa, sa eksena ng sayaw ng triyanggulo, naipahayag sa lengguwaheng biswal ang mga taktikal na kutsabahan, hidwaan, at pigil na sagupaan ng mga tauhan. Ang pagtuturo ng mga muwestra ng pagsasayaw ay pagkakataon din para palakasin ang koneksiyon ng pag-ibig at pagkamuhi tungo sa resolusyon.

Ang kalakasan ng produksiyong ito ay ang pagbibigay ng matamang atensiyon hindi lamang sa kilig factor kundi maging sa komplikadong makinarya ng lokal na politika at kung paano ito gumagapang at bumabalot sa pang-araw-araw na buhay ng mamamayan. Hindi palagiang teror ang ipinapakita at ginagawa ng mga gustong kumontrol ng poder kundi ang kabaitan at pagmamalasakit sa kapuwa. At kapag nalambat ka resiprokal na relasyong ito, mas malamang na sumayaw ka sa kapritso at poder ng nasa politikal na posisyon. Sa pelikula, ang pag-ibig ang pangunahing ahensiya para makahulagpos sa sapot ng korupsiyong ito. Sa daigdig ng romance, posible ang lahat. At karaniwan, hindi katulad ng tunay na buhay.

Nagtuturo ng malikhaing pagsulat at panitikan sa UP Kolehiyo ng Arte at Literatura si Joey Baquiran. Naglilingkod ding junior fellow sa UP Institute of Creative Writing at co-editor ng Daluyan, ang journal ng wikang Filipino ng UP Diliman.